HEADLINES

Wikang Katutubo: Pakinisin, Palakasin at Pagyamanin para sa Matatag na Pagkakilanlang-Filipino

By Alliah Carmela Abella

Vol. XCI No. 6

Sept. 6, 2019


“Kung ang pagkain ang bumubuhay sa isang tao, at ang gasolina ang nagpapatakbo sa isang sasakyan, ang wika naman ang siyang kaluluwa na nagpapakilos, nagpapatakbo, nagpapaangat at nagpapaunlad ng isang bansa.” 

“Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino”. Ang tema ay naglalayon na pakinisin, pagyamanin, at patatagin ang wikang katutubo tungo sa mabisang ugnayan at nang sa gayon ay mapangalagaan ang kayamanang pamana sa atin ng ating mga ninuno. 

Ngunit bakit nga ba natin ito kailangang pangalagaan? Bakit nga ba natin ito ipinaglalaban? Layon kong mabuksan ang iyong mga puso’t isipan at nang sa huli, kayo’y makiisa sa pilit kong pinapahalagahan.

Ang pitong libo’t isang daan at pitong isla na bumubuo sa ating bansang Pilipinas ang siyang ugat na pinagmulan ng mahigit kumulang isang daan at tatlumpung mayayamang dayalekto na patuloy na nagbubuklod at nagpapatakbo ng komunikasyon at pagkakaisa sa ating sariling bansa. Ang wika ay tila isang apoy na isinindi sa isang parte ng kagubatan sapagkat ang bilis nito sa pagkalat sa ibang mga halaman ay ganoon din sa mga mamayan na siyang dahilan ng pagyabong ng ating kulturang kinagisnan. 

Ngunit sa paglipas ng panahon, labis na tayong naitali sa makabagong pamamaraan at nabulag sa globalisasyon. Tinalikuran at naiwan na natin sa ating katutubong wika na siyang pamana ng ating mga ninuno. Kung manonood ng telebisyon, Ingles ang wikang naririnig. Kung nasa paaralan, Ingles ang wikang ginagamit. Kung nasa tahanan, ay kadalasang Ingles ang mga salitang naisasambit. 

Tinatantsang tatlumpu’t siyam na mga katutubong wika ang nanganganib na maglaho, mga wikang bantayog ng ating pagka-Filipino. Hahayaan na lang ba natin itong mangyari? Ibinigay ito ng libre at ang tanging pagtitibay ang pangangailangan pero hindi pa natin kayang tugunan. Balewala na lang nga ba ang dugo’t pawis na isinakripisyo ng ating mga ninuno noong ipinaglalaban nila ang ating kalayaan? Kung mas naiaaral pa natin ang wika ng iba kaysa sa ating wika ay hindi pa rin tayo nakalaya sa mga kamay ng nga mananakop. Patuloy na makukulong sa rehas at mananatiling nakakadena sa marahas na paniniwala ang ating pag-iisip na mas mahalaga ang wika nila kaysa sa sarili nating wika.

Kaya narito ako ngayon. Kung hindi kayo, ay ako ang gagawa ng paraan upang magampanan ko ang katagang “kabataan ang pag-asa ng bayan”. Paano mangyayari ito? 

Tatlong paraan lamang.

Una, ang pagtangkilik sa ating katutubong wika sa ating sariling mga tahanan. Dayalekto’y ating gamitin nang sa gayon ay ang kabataan at nakatatanda ay mas lalong magkakaintindihan. Ayon sa Social Weather Stations, 85% ng mga Pilipino ang nakakaintindi sa wikang kinagisnan samantalang 65% lamang ang nakakaintindi sa wikang banyaga. Nangangahulugan lamang, na mas mainam ang paggamit ng sariling wika sa komunikasyon upang agad nating makikita ang aksyon at kaunlaran. 

Ikalawa, ang pagpapakinis sa pag-aaral ng Mother Tounge dahil nalilinang ang kakayahan at kagalingan ng mga mag-aaral sa wikang kanilang kinagisnan. Sa pamamagitan nito ay mas mapapabuti at mapapabilis ang  pag-iintindi sa mga impormasyon dahil sariling wika ang ginagamit. Sa edukasyon, ay maibabahagi ang kaalaman sa wikang kinagisnan sa kapwa ko mag-aaral at sa mga susunod pang henerasyon. Maging inspirasyon natin ang talino ni Aliguyon, tatag ni Lam-ang, galing ni Indarapatra, at tapang ni Sulayman sa pagtatanggol ng kanilang pinapahalagahang kultura at lugar. 

Ikatlo, ang pagtanggap at pagyakap sa sariling wika ng buong puso. Bilang isang pangunahing pangkulturang pamana ng mga sinaunang Pilipino, ang wikang katutubo ang nagbigay ng artikulasyon sa nakaraan na siyang patuloy na humuhubog sa karunungan ng sangkatauhan sa kasalukuyan. Mainam na ang wikang nakasanayan ang ginagamit upang mahubog ang ating kaalaman sa sariling atin. 

Mga madla, maging isang dalagang Pilipina at ginoong Pilipino na mapagmalaki sa sariling wika sa mundong puno ng pagtalikod at pagyakap nito. Makapangyarihan ngang tunay ang wika dahil ito ang pinagmumulan ng impormasyon na nagpapatakbo sa ating ekonomiya, humuhubog sa ating pag-iisip, at nagtutulak sa ating kaunlaran at pagkakaintindihan.

Hindi lamang ang kapakanan ng katutubong wika ang pinoprotektahan at ipinaglalaban ko ngayon. Ibinabandera ko ang boses at karapatan ng kabataan ngayon at sa darating na henerasyon na siyang susi sa pagpapakinis, pagpapanatiling buhay, at pagpapalakas ng ating katutubong wika na nagsisilbing talamsik na nagpapasimula ng apoy na patuloy na umaalab at bumubuo sa ating kultura pati na rin sa pag-alala ng ating mga pamana mula sa nakaraan.

Sa dakong huli, bilang kabataan na pag-asa ng bayan, nakasalalay sa ating mga kamay ang pagpapalakas sa katutubong wika na siyang may malaki ring impluwensiya sa pagpapayaman ng   wikang Filipino – ang ating ilaw at lakas sa pagdukal at pagtuklas ng bagong kaalaman na magpapaunlad sa sambayanang Filipino.  

Wikang Katutubo: Pakinisin, Palakasin at Pagyamanin Tungo sa Matatag na   Pagkakilanlan at Bansang Filipino!

 

Leave a comment below

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: